Ang mga sabungero bagama’t inilalaban ang manok-panabong ay inaalagaan nila itong mabuti. Sinisiguro nila na ‘di ito mapa...
Ang mga sabungero bagama’t inilalaban ang manok-panabong ay inaalagaan nila itong mabuti. Sinisiguro nila na ‘di ito mapababayaan. Bukod sa pagbibigay ng sapat na pagkain at bitamina ay tinitiyak nila na lagi itong nasa kundisyon para ‘di magkasakit. Gusto rin ng mga sabungero na buo at makinis ang pakpak ng manok para maganda itong tingnan at hipuin.
May mga manok din naman na naked chicken o manok na walang balahibo. Ang iba nga, kapag nakikita nilang inilalaban ang manok na kalbo ay nagagalit dahil akala nila ay sadyang tinanggalan ito ng balahibo. Pero paano kaya kung talagang tinanggalan ng balahibo ang manok? Walang problema kung lulutuin ang manok para maging ulam. Paano kung buhay pa ang manok at pinagtripan lang tanggalan ng balahibo?
Inulan ng batikos ang isang Facebook user na nagngangalang Ruel Dela Fuente matapos niyang ipost ang mga larawan ng kanyang manok na wala ng balahibo. Nagtatanong pa ito kung sino ang gustong makipag-swap. Bagong pisa pa lang daw na Mel Sim Peruvian. Dahil dito pawang mga galit na komento ang kanyang nakuha mula sa mga netizen partikular na ng mga sabungero.
Ayon sa mga nagbigay ng komento, kung nagsasabong man siya ay mamalasin siya dahil sa ginawa niya sa manok. Malinaw diumano na animal cruelty ang ginawa nito sa kanyang alaga. Mas mabuti nang masawi ang manok sa laban kaysa lapastanganin nang ganito, sabi pa ng isang nagkomento. Mas mabuti raw na kinatay na lang nito ang manok kaysa kalbuhin.

COMMENTS