Dahil Semana Santa ngayon ay sarado ang mga sabungan bilang pagbibigay daan sa paggunita ng naging buhay ng...

Dahil Semana Santa ngayon ay sarado ang mga sabungan
bilang pagbibigay daan sa paggunita ng naging buhay ng Panginoong Hesukristo noong Siya pa ay narito sa lupa. Kasabay din
ng ganitong okasyon ay ang pagkakaroon ng kabi-kabilang tupada kung saan-sang
sulok ng lugar sa Pilipinas partikular na tuwing Biyernes Santo. Nangangati
kasing makapagsabong kaya’t ‘di na makapaghintay.
May
ibang mga barangay na maluwag o hinahayaan lang ang mga nagtutupada sa kanilang
lugar. Makikita mo pa nga na ang ilang mga taga-barangay o kahit ‘yung pang
ibang mga alagad ng batas ay nandoon din at nakikipagpustahan. Kapag may
narinig kang ingay o hiyawan sa lugar n’yo tiyak na may nagtutupada. Wala ring
pinagkaiba sa ingay sa sabungan.
Kung
may maluwag sa tupada, mayroon din namang mahigpit. Istrikto nilang
ipinatutupad ang pagbabawal sa ganitong aktibidades. Kaya naman asahan na
nagkakahulihan kapag nahuli sa akto ng mga otoridad ang mga nagtutupada. Kapag
ganito ang eksena, siyempre kanya-kanya nang pulusan. Mahirap na ang mahuli
dahil kinakailangan pang magpiyansa. Sabi ng iba, ang piyansa ay aabot mula
dose hanggang kinse mil. Kaya ang
ginagawa ng iba, ‘di na nila pinapaabot pa sa prisento. Inaareglo na lang nila
kaysa magbayad pa ng malaki.
Kahit
‘di naman Semana Santa, lagi namang may mga nagpapatupada. Mas maganda raw rito
dahil ‘di na kailangan pang magbayad ng gate, wala ring entry fee at pot money.
‘Yun nga lang, ‘di mababago ang katotohanan na bawal ito. Kahit sabihing
protektado ni Chairman ay mayroon at
mayrroon pa ring manghuhuli kung gugustuhin ng otoridad. Pero sabi ng mga sanay
na sa tupada, ano ang ginagawa ng iyong mga paa, puwede ka namang tumakbo? Malas
nga lang ang mga naiiwan at malas din kapag naiwan mo ang iyong manok. Pag-uwi
pa ng bahay, puwede pang maputakan ni
Misis kung talagang minalas.
Anu't anuman, nagtutupada man o hindi ay huwag kalilimutan ang diwa ng Semana Santa na inialay ng Panginoong Hesukristo ang Kanyang buhay para sa atin.
COMMENTS