Pangarap ng maraming sabungero na makapaglaban ng manok sa Smart Araneta Coliseum. Para sa iba, isa nang karangalan ang makatuntong man l...
Pangarap ng maraming
sabungero na makapaglaban ng manok sa Smart Araneta Coliseum. Para sa iba, isa
nang karangalan ang makatuntong man lang sa the Big Dome. Kapag narinig mo ang
salitang Araneta, ano ang unang pumapasok sa isip mo? Siyempre, isa itong world
class venue para sa mga event mapa-sport man o entertainment. Maraming local at
foreign artist ang nagpi-perform dito. Sa larangan ng sport, dito isinasagawa
ang PBA, UAAP at iba pa. Dito rin isinagawa ang Thrilla Manila, laban sa
pagitan nina Muhamad Ali at Joe Fraizer na ginanap noong 1979. Hanggang ngayon,
makikita pa ring naka-display ang tarpaulin ng nasabing laban.
Makakapagsabong lang
tayo sa Araneta kung tayo ay sasali sa ilang bigtime derbies gaya ng World
Slasher Cup na isinasagawa dalawang beses sa loob ng isang taon. Dito rin dati
idinadaos ang finals ng BAKBAKAN. Siyempre, kahit ‘di ka sumali sa WSC ay
puwede ka namang manood na lang para masaksihan mo ang laban ng mga kilalang personalidad
sa sabong gaya nina Biboy Enriquez, Patrick Antonio, Dicky Lim at marami pang
iba.
Kapag nasa Araneta ka, napaka-kumportableng
magsabong. Ang buong paligid at maging ang kanilang cockhouse ay maganda. Nakari-relax
dahil maayos ang ventilation. Makagagalaw ka rin nang husto dahil malawak ang
espasyo. Hindi kagaya sa ibang sabungan nasaddyang masikip o ‘di kaya’y
overcrowded. Maliban na lang kung napuno ng tao ang buong Araneta doon lang
sumisikip. Napaka-organisado ng lahat. Pakiramdam mo ay safe ka dahil nagkalat
ang security sa paligid. Kaya’t sa mga nagbabalak gumawa ng kalokohan o mandaya
‘di ‘yan uubra. Mahirap tumakas dahil bukod na sa maraming bantay ay matalas
din ang pakiramdam ng mga sabungero. Walang puwang dito ang mga mananabit.
Ang maganda pa sa
Araneta ay mayroon silang giant screen para madaling mamonitor ang bawat
sultada. Hindi mo na kailangan pang pumuwesto sa harapan ng ruweda para lang
makapanood ng maganda. Makikita mo ang laban kahit nasa nakaupo ka pa sa malayo.
Nagkalat naman ang kristo kung saan-saan kaya’t napakadaling tumaya.
Marahil ang ibang tao
ay nagtataka kung bakit nagkaroon ng sabong sa Araneta Coliseum. Si Jorge ‘Nene’
Araneta kasi na tumatayong presidente ng Araneta Group of Companies ay isang
masugid na sabungero. Nagmula siya sa angkan ng mga sabungero. Katunayan ang
kanyang ama na si Don Amado Araneta ay isang masigasig na magmamanok noong
nabubuhay pa ito. Ang manukan ni Nene Araneta ay inaalagaan niya sa tabi ng
kalsada sa EDSA, malapit sa Farmers Plaza. Salamat sa kanya at dinala niya sa
mataas na antas ang sabong. Kapag may presscon at awarding ang WSC ay dinadala
niya ang ilang Binibining Pilipinas para magsilbing muse.
Marahil ay gusto lang
patunayan ni Nene Araneta na ang sabong ay ‘di isang ordinaryong laro lamang kung
kaya’t nagsasagawa sila ng derbies sa kanilang coliseum.

COMMENTS