Photo Credit: itpnews.com Kung debate ang pag-uusapan, isa na yata sa pinakamatagal nang pinagtatalunan ng mga tao sa b...
![]() |
| Photo Credit: itpnews.com |
Kung debate ang pag-uusapan, isa na yata sa pinakamatagal nang pinagtatalunan ng mga tao sa buong mundo ay kung alin ang nauna, itlog ba o manok? Siyempre, mayroong naniniwala na mas nauna ang itlog sa manok. Dahil sa itlog nga naman galing ang manok. Pero para sa mga naniniwalang manok ang nauna, paano naman nauna ang itlog? Paano ito mabubuo kung walang naglabas ng itlog?
Pero kung siyensya ang tatanungin, sinasabi nila na itlog na ang nauna dahil ang itlog ay mayroong protina na kinakailangan para mabuo ang sisiw. Pero kahit sinagot na ito sa siyensya, babalik pa rin ito sa unang katanungan na paano mabubuo ang itlog kung walang naglabas na inahin? Kung pagbabatayan naman ang Bibliya, malamang na manok ang nauna dahil lahat ng hayop ay nilikha ng Diyos. Hindi naman nakasaad doon na itlog muna ang nilikha ng Diyos. Diyata’t laging nagbabanggaan ang siyensya at ang relihiyon sa simple pero nakapasalimuot na ganitong usapin?
Pero kahit ano pa ang nauna sa itlog o manok, ang importante ay kung paano natin ito iingatan. Pareho lang naman itong mahalaga. Sa mga magmamanok, iniingatang mabuti ang itlog para mapisa ito nang maayos. Kapag naging sisiw na ay inaalagaan ito nang husto hanggang sa lumaki at magamit sa dapat paggamitan, kung pansabong ba o pangkatay lang.
Sa susunod, kapag may nakipagdebate sa iyo kung alin ang mas nauna, itlog ba o manok? Mas mabuti sigurong ibahin mo na lang ang tanong. Alin ang mas masarap, itlog o manok?! Siyempre, manok dahil mas mahal ito kaysa itlog. Pero ‘di rin natin maiaalis na mas nasasarapan silang kumain ng itlog kaysa manok. Hmm…

COMMENTS