Maraming nag-react sa meme picture na nagpapakita na mas matimbang sa isang sabunge...
Maraming nag-react sa meme picture na nagpapakita na
mas matimbang sa isang sabungero ang kanyang manok kaysa babae. Mababasa sa
meme picture na sinasabing mahal na mahal ng lalaki ang babae. Pero ang babae,
pinaiiwanan sa lalaki ang kanyang mga manok para makapagsama sila. Sa halip na
sundin ang babae ay sinipa niya ito pabulusok sa bangin.
Hindi
lang mga sabungero ang nag-react kundi pati na rin ang mga babae. Mas marami
pang mga babae ang nag-react kaysa mga lalaki. Kanya-kanya silang tag sa
kanilang mga kakilala, mapa-babae man o lalaki. Ang ilan sa itinagged ay
kanilang asawa na mahilig sa manok o ang
mga kakilala nila na may asawa o nobyo na nagmamanok. May mga nagtanong pa sa
kanilang karelasyon kung kaya rin ba nilang gawin sa kanila ang nasa picture. Kung may mga natuwa o natawa ay mayroon din namang mga nagalit. May mga babae rin na nagsabi na baka ang lalaki pa ang kanilang sipain sa bangin!
Ibig
lang sabihin, nakari-relate sila sa picture. Bagama’t isa lang itong meme ay
nagpapakita naman ito ng katotohanan, na maraming mga sabungero na kapag
pinapili pag-ibig sa babae o sa manok, aba’y mas pipiliin pa nila ang manok.
Sinasabi
ng ilang mga sabungero na nakilala na sila ng babae na nagmamanok. Kaya’t kung
ano ang kanilang hilig ay tanggapin din nila dapat. Kasi kapag pinagbawalan
silang magsabong ay hindi na sila ‘yun. Kumbaga, ‘di mo basta-basta mababago
ang pagkatao ng isang tao lalo na’t ang pagiging sabungero ay dumadaloy na sa
mga ugat dahil namana ito mula sa kanilang pamilya. Kung ayaw sa sabungero,
dapat sana noong una pa lang ay inayawan na ito. Tama naman, ‘di ba?
Kapag
hindi nakaiintindi ang karelasyon na babae, maaaring pagmulan nang ‘di
pagkakaunawaan ang pagsasabong ni lalaki. Naniniwala kasi si babae na ang
sabong ay isa lamang sugal kaya’t wala ritong magandang makukuha. Isa pa,
nagseselos ito dahil mas marami pang oras na inilalaan ang lalaki sa manok
kaysa kanya. Hindi maiiwasan na mauuwi ang lahat sa hiwalayan. Pero may ilan
din naman na mas minabuti na lang iwanan ang pagmamanok kaysa ang babae ang
mawala. ‘Yun nga lang ay parang kulang pa rin ang kanilang buhay dahil ‘di
makapagsabong. Kaya’t ang iba, inililihim na lang nila ang kanilang
pagsasabong.
Pero
mayroon din namang ilang mga sabungero na kahit tutol ang babae ay pilit nila
itong pinauunawa. Imbes na mapikon o magalit ay gumagawa na lang sila ng paraan
para magbago ang pananaw ng babae sa sabong. Nagagawa pa nilang isama ang babae
sa sabungan para makita nito ang mundong kanyang ginagalawan. Sinisuguro rin
nila na ‘di mapabayaan ang kanilang kabuhayaan. Bagkus nakatutulong pa nga ang
kanilang nakukuhang pera mula sa premyo o ‘di-kaya’y sa benta sa manok. Ibig
sabihin, ‘di na kailangan pang sipain ang babae paalis sa buhay nila gaya nang
ipinapakita ng meme picture.

COMMENTS