Kumusta na ang magandang actress na si Andrea Del Rosario na dati-rati ay aktibo sa showbiz at minsang naging miyembro ng Vi...
Kumusta
na ang magandang actress na si Andrea Del Rosario na dati-rati ay aktibo sa
showbiz at minsang naging miyembro ng Viva Hot Babes. Pero wala na tayong
gaanong balita sa kanya ngayon. Paano kasi naging abala ito sa larangan ng pulitika.
Siya ay naging Vice Mayor sa Calatagan, Batangas. Naging involved din siya o nahihilig sa
manok-panabong.
Paano
nga ba nahilig si Andrea sa manok? Nangyari ito nang makarelasyon niya ang
gamefowl breeder at polo player na si Anthony Garcia ng AG Polo Paraiso Farm. Minsan ay naisama siya ng
kasintahan sa World Gamefowl Expo at doon niya nakita na napakalaki palang
industriya ang sabong. Sa tingin niya, isa itong sleeping giant na dapat ay
pagtuunan ng pansin.
Nagandahan
din sa sabong si Andrea matapos niyang mapansin na mayroon ditong pagkapantay-pantay.
Magkakasama kasi ang mahihirap at mayayaman sa sabungan at nagrirespetuhan. Isa
pa, mayroong isang salita ang mga sabungero dahil nagpupustahan sila nang
walang anumang pinipirmahang kontrata. Kumbaga, sa pamamagitan lang nang
pag-uusap o senyas ay nagkakasundo na.
Sa
panayam kay Andrea ng website na
newsko.com, sinabi niya na namangha siya sa iba’t ibang breed o klase ng
bloodline ng mga manok. Sa ngayon diumano ay nagbi-breed na rin siya at isa
itong panibagong pakikipagsapalaran sa kanya.
Dahil
sa pagkahilig sa manok ay ginawa pang household pet ni Andrea ang
manok-panabong na kung tawagin ay si Prinkit. Ang manok na ito ay 8-year old na
at anim na beses nang nanalo sa mga laban. Hindi na nga raw kumpleto ang mga
daliri nito. Siyempre, masyado nang magulang ang manok na ito kaya’t retirado
na. Naisipan na lang niyang gawing pet.
Noong
Vice Mayor pa si Andrea, naisipan niya na magsagawa ng seminar
patungkol sa sabong. Ito ay pinamagatang “Usapang Manok” na ginanap sa Calatagan covered court/palengke area. Ilan sa pag-usapan dito ay
tungkol sa breeding, bloodline, rearing, ranging, vaccination program,
pagkukundisyon, pagpili ng materyales at panlaban, egg production at pagtatari.
Batid
ni Andrea na marami ng mga tao ang bumagsak o nawalan ng pera sa sabong. Pero
alam din niya na may mga tao na ring yumaman dahil dito dahil ginawa nila ang
tama. May mga success stories daw siyang narinig mula sa mga ordinaryong tao na
nagsimula lang mag-breed sa loob ng kanilang bakuran. Dahil sa pagbibenta ng
manok ay umasenso ang kanilang buhay. Sa pamamagitan ng seminar, naniniwala si
Andrea na nakatutulong ito para maging de kalidad ang mga manok sa Calatagan.
Umaasa siyang sa hinaharap ay magkakaroon din ng matagumpay na breeder sa
kanilang lugar.
Sa
mga fans ni Andrea, makikita pa ba natin siya sa telebisyon o sa pelikula? ‘Di
pa naman niya isinasara ang kanyang pinto sa showbiz kaya lang sa ngayon ay
masyado siyang busy sa kanyang career sa pulitika at siyempre nalilibang din
siya sa pagmamanok.

COMMENTS