Kung ang sabong ay pinasok na rin ng mga babae, siyempre mawawala ba naman ang mga beki o ‘yung tinatawag natin na kasapi ng ikatlong k...
Kung ang sabong ay
pinasok na rin ng mga babae, siyempre mawawala ba naman ang mga beki o ‘yung
tinatawag natin na kasapi ng ikatlong kasarian. Kapag sila ang bumanat sa
sabungan, talaga namang hahagalpak ka sa tawa. Hanggang dito kasi ay dala-dala
nila ang kanilang pagiging masiyahin o pagka-kuwela.
Marahil maitatanong ng
iba na bakit naman pinasok ng mga beki ang sabong eh laro ito ng mga macho? Eh,
ano naman ‘di naman kumikilala ng kasarian ang sabong. Lahat ay welcome dito,
walang discrimination na nangyayari sa loob ng hanay ng mga sabungero. ‘Di ba’t
pagkapantay-pantay ang itinataguyod ng sabong?
Sino ba naman ang ‘di
makakakilala kay Jovencio Bayotas o mas kilala sa tawag na Muring ng Chabelita
Gamefarm na nakabase sa Bacolod. Siya ay mayroong viral video sa Facebook kung
saan ay tili siya nang tili habang nakikipagbakbakan ang kanyang manok na
sinamahan pa ng pag-split. Ang taray! Marami ang bumilib sa kanya dahil nanalo
ang manok niya na Hennie. Sabi naman ng mga basher kaya lang naman nanalo ang
manok niya ay dahil na-destruct ang kalabang manok sa lakas niyang tumili. Pero
balita na talagang magagaling ang manok niya dahil lagi raw itong nagpapanalo
sa kanyang mga laban.
May isa pang beki na
nag-viral din ang video kung saan sa sobrang saya ay naghubad pa ito habang
tili rin nang tili. Talaga namang hagalpak ang tawa ng mga netizen na
nakapanood sa video ng beking sabungero na ito. Kunsabagay kahit nga ang ilang
tunay na lalaki ay naghuhubad din dahil sa sobrang excitement. May all the way pa nga, haha.
Mayroon ding beki na
nagngangalang Paula ang nagkaroon ng viral video kung saan ay naka-costume ito
ng Darna. Parang nagku-cosplay lang ang datingan. ‘Yun nga lang ay natalo ang
manok niya. Mukhang kinulang ng power ng bato ni Darna, hehe.
Dati ay may nakilala
rin kami na beking sabungero, ang pangalan ay Leslie. Lumalaban siya sa may
Blue Mountain. Kuwela rin ang isang ito kapag nasa ibabaw ng ruweda at
nagpapatawa. Kaya naman kinagigiliwan siya ng mga tao sa sabungan. Magaling din
ang hipo niya sa manok dahil ginagawa pa siyang taga-pag-alaga ng manok ng
kanyang mga kapitbahay. Kapag lumalaban ito ay bumabakas pa sila sa kanya.
Kahit isa siyang beki ay kuhang-kuha naman niya ang tiwala at respeto ng
kanyang mga kapitbahay. Naisipan namin siyang pasyalan uli para sana muling
kapanayamin. Pero nasa Morong na raw ito at doon na nag-aalaga ng manok.
Sa huli, ‘di mahalaga
kung anuman ang pagkatao mo. Ang sabi nga ng reyna ng sabong na si Osang Dela
Cruz, mga manok lang naman ang naglalaban at ‘di ang mga tao. ‘Di ba’t tama
naman? Ang mahalaga ay patas kang lumaban o ‘di nandaraya. Wala naman sigurong
masama sa ginagawang pagpapakuwela ng mga kapatid nating beki sa sabungan. Wala
tayong magagawa kung ‘yun ang kanilang character.

COMMENTS