Marami ang natutuwa sa karambola o labu-labong labanan ng manok. Madalas itong mangyari sa mga tupada at paminsan-minsan ay nagkakaroon...
Marami ang natutuwa sa
karambola o labu-labong labanan ng manok. Madalas itong mangyari sa mga tupada
at paminsan-minsan ay nagkakaroon din nito sa sabungan. Nakatutuwang panoorin
dahil matira ang matibay. Biruin mo sa dami nang magkakalaban na mga manok ay iisa
lang ang mananalo. Tiyak na kabibiliban ang may-ari ng manok na manalo.
Tatanungin ito ng mga manunood kung ano’ng klase ang ginawa niyang pag-aalaga
at pagkukundisyon.
Sa kabilang banda,
mayroon ding mga ‘di natutuwa sa karambola. Kabilang na r’yan ang mga
kumukontra sa sabong. Bakit daw kailangang paglabu-labuin ang mga manok? Gayung dalawahan nga lang ay
malupit na, karambola pa kaya? Siyempre, ganito ang kanilang pananaw dahil
kontra o anti-sabong sila. Kaya’t ano pa ba ang maaasahan nating maganda mula
sa kanila?
Mayroon din namang
ilang mga sabungero na ayaw ng karambola dahil mahirap manalo sa ganitong klase
ng labanan. Doon na sila sa dalawahan lang, napakalaki kasi ng tsansa na
manalo. Meron o wala lang kasi ang pinag-uusapan. Nasasayangan lang sila sa
manok kaya’t ayaw nilang sumali sa karambola. ‘Di mo raw kasi masusukat ang kakayahan
ng manok kapag ganito. Sa dami ba namang pumapalo, ‘di na alam ng manok kung
alin ang uunahin. Baka nga manalo pa ang manok na magaling umiwas. Siyempre, ‘di
nga naman ito mapapagod at tatamaan.
Pero para sa mga
taga-tangkilik ng karambola, masaya talaga ito dahil talagang ibang klase ang labanan. ‘Di na nila iniisip kung
mananalo o hindi ang kanilang manok. Basta’t nai-excite sila rito, ‘yun lang ay
sapat nang kabarayan para sa kanila.
Kapansin-pansin din na
kapag karambola ay mas maingay ang hiyawan ng mga tao. ‘Di sila magkamayaw sa
panghuhula kung aling manok ang mananalo. Mahirap kasi ang manghula dahil sa
dami nang manok na kasali. Ikaw kasabong, gusto mo
ba ng karambola?

COMMENTS