Si Capt. Errol Lacayanga, isa sa mga sabungerong OFW Sadyang napakahirap ang magtrabaho sa ibang bansa. Una, malayo ka sa iyong pamil...
![]() |
| Si Capt. Errol Lacayanga, isa sa mga sabungerong OFW |
Sadyang napakahirap ang
magtrabaho sa ibang bansa. Una, malayo ka sa iyong pamilya. Sigurado na
manananabik ka sa kanila sa araw-araw. Nais mo silang yakapin, pero ‘di mo magawa.
Ang magagawa mo na lang ay kausapin sila sa pamamagitan ng pag-chat sa Facebook
o tawag sa Skype o ‘di-kaya’y sa telepono. Para maibsan ang lungkot at sakit na
nararamdaman, iisipin mo na lang na kaya ka nasa ibang bansa ay para mabigyan
ng magandang kinabukasan ang iyong pamilya. Bukod sa iyong pamilya, siyempre nami-miss
mo rin ang iyong manok pati na rin ang paborito mong tambayan-ang sabungan!
Alam naman natin na ang
sabong ay ipinagbabawal sa maraming bansa partikular na sa Europe, USA at sa
United Arab of Emirates. Pero mayroon tayong naririnig na ilan sa mga OFW ay
sumasali sa underground derbies, mairaos lang ang kanilang hilig, Alam naman
nilang lubha itong mapanganib pero ginagawa pa rin nila. Puwedeng-puwede kasi
silang mahuli ng otoridad anumang oras. Wala sila sa Pilipinas kung saan ang
mga nahuhuli sa tupada ay napapakawalan din agad. Eh, sa ibang bansa sigurado
na mahigpit ang kanilang batas pagdating sa sabong. Kaya’t mas mabuting sumunod
na lang sa batas kaysa makipagsapalaran pa at magkaroon ng malaking problema.
Kung ikaw ay isang
sabungerong OFW, ano ang ginagawa mo para maibsan ang pangungulila mo sa manok?
Mayroon ka rin bang mga libro, magazines at DVD’s hinggil sa sabong? At least, updated
ka pa rin lagi kung ano ang bago sa sabong. Inaalam mo kung sino’ng breeder ang
matunog ang pangalan at ano’ng bloodline ang pinag-uusapan ngayon. Sigurado rin
na aktibo ka sa pagsali sa mga forum sa Facebook groups. Sa pamamagitan nito, maibabahagi
mo ang iyong opinyon sa pagmamanok sa mga kapwa mo sabungero. Dahil dito,
mararamdaman mo na ‘di ka nag-iisa. Mapalad ka kung ang mga katrabaho mo sa
abroad ay kapareho mong mahilig sa manok dahil makakapag-chicken talk kayo
lagi. Balita ko, marami sa mga marino ay sabungero.
Kung mayroon kang mga
manok sa Pilipinas, siguradong palagi mo silang iniisip. Kaya naman lagi mong
inaalam ang kanilang kalagayan sa araw-araw. Napakadali lang naman itong gawin
dahil sa teknolohiya. Manghingi ka lang ng video ng manok sa taga-pag-alaga ay
maipapakita ito agad sa iyo. Masayang-masaya ka kapag nalalaman mong nananalo
sa derby ang iyong manok. Kahit sa loob-loob mo ay nalulungkot ka rin dahil ‘di
mo nasasaksihan nang personal ang pagkakapanalo ng iyong manok. Pero salamat na
lang at mayroon ng live streaming.
Hindi mo alam kung
gaano ka pa magtatagal sa pagtatrabaho sa abroad. Para sa iba, ang isang taon
ay katumbas na ng napakahabang panahon, Kung ikaw lang ang masusunod, gusto
mong makabalik agad sa Pilipinas para makasama mo na ang iyong pamilya at mga
manok. Pero kailangan mo pang magsakripisyo. Magkagayun man malayo ka man sa
Pilipinas, hinding-hindi mawawala ang pagmamahal mo sa iyong pamilya at sa
sport na sabong. Isa lang ang sigurado, makakabalik ka rin isang araw sa
Pilipinas. Hindi para magbakasyon lang kundi dito ka na mananatili hanggang sa
malagutan nang hininga. Wala pa rin kasing sasarap pa sa paninirahan sa
sariling bayan kung saan malaya kang makakapagsabong!

COMMENTS