Kung mayroon mang namayapa nang cocker-breeder, pero lagi pa ring naaalala sa mundo ng sabong, isa na siguro rito ang Amerikanong si Jo...
Kung mayroon mang
namayapa nang cocker-breeder, pero lagi pa ring naaalala sa mundo ng sabong,
isa na siguro rito ang Amerikanong si Johnnie Jumper. Bagama’t wala na siya,
ang kanyang pamana sa sabong ay nananatili pa rin dahil nakasulat na ang
kanyang pangalan sa minamahal nating isport.
Nagsimulang magmanok si
Johnnie noong siya ay pitong taong gulang pa lang. Mula noon ang pagmamanok ay
naging malaking parte na ng kanyang buhay. Mga dekada ’50, naging kaibigan niya
ang ilan sa mga itinuturing na mga alamat ng sabong na sina Weather Kelso, Duke
Hulsey at Cecil Davis. Ang mga nasabing pangalan ay nagbigay ng malaking
impluwensya sa career ni Johnnie bilang magmamanok.
Dekada ’60 naman nang
maging matunog ang kanyang pangalan sa sabong. Ito rin ‘yung panahon na ginawa
niyang negosyo ang pagmamanok. Para kay Johnnie, hindi basta-basta ang
pagbi-breed ng manok dahil napakaraming balakid na kinakaharap. Pero dahil
likas na ang pagkakaroon ng talento ay magaganda ang kanyang napuprodyus. Sa
sabong ‘di lang mga kostumer ang kanyang nakuha; nagkaroon din siya ng maraming
mga kaibigan na naniwala sa kanyang kakayahan.
Nakilala si Johnnie sa
mga linyada gaya ng Jumper Kelso at Radio Line. Nakuha niya ang kanyang Radio
Line mula kay Ceil Davis. Tinawag niya itong Radio dahil noong una niya itong
makuha ay napakaingay nito. Ipinares niya ito sa Murphy, White Hackle at Kelso.
Nagustuhan naman niya ang kinalabasan nang pagpapares niyang ito. Bukod sa
naging maganda ang katawan ay maganda rin ang naging performance. Mayroon kasi
itong gameness at cutting ability. Isa pa ang Radio ay mataas ang winning
percentage.
Si Johnnie ang tipo ng
breeder na perfectionist. Hindi kasi siya tumiigil hangga’t ‘di niya nakikitang
gumagaling ang manok. Bago niya i-breed ang manok, inaalam muna niya ang
history ng manok o kung saan ito nanggaling. Naniniwala kasi siyang ang
magulang ay malaki ang kinalaman para maging magaling ang isang manok. Kapag
ang magulang ay mahina, malaki ang posibilidad na magiging mahina rin ang
ipuprodyus na mga supling.
Sa kabilang banda,
hindi lang nakilala sa pagiging breeder si Johnnie, kundi nakilala rin siya
bilang pinagpipitagang tao. Ayon sa mga nakasalamuha na niya ng personal,
napakabait niya at napakatapat. ‘Di sila nakarinig nang anumang ‘di magagandang
salita mula rito o wala itong inagabriyado ni kahit isang tao. Bagkus ay laging
bukas ang mga kamay nito para tumulong sa mga nangangailangan ng kanyang payo.
Bukas din siya sa mga gustong makakuha ng kanyang manok.
Noong nabunuhay pa si
Johnnie ay ilang beses na itong nakabisita sa Pilipinas. Kaya naman marami rin
siyang mga prominenteng breeder na naging kaibigan dito. Napamahal na sa kanya ang
bansa natin dahil sa pagiging hospitable nating mga Pilipino at pagiging
dedicated sa sabong. Bago pumanaw si Johnnie noong 2011, naipalaganap na niya
ang kanyang mga linyada. Hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Para
sa maraming mga sabungero, si Johnnie Jumper ay isa nang immortal dahil sa
kanyang mga manok.

COMMENTS