Ang pamosong sentensyador na si Berong Javellana Napaka-importante nang ginagampanan ng mga sentensyador sa sabong. Sila kasi ang nag...
| Ang pamosong sentensyador na si Berong Javellana |
Napaka-importante nang
ginagampanan ng mga sentensyador sa sabong. Sila kasi ang nagdidesisyon kung
aling manok ang nanalo. Hindi biro ang trabahong ito dahil kinakailangan na matalas
ang mata mo sa laban. Alam mo dapat kung aling manok ang huling tumuka para
masabi mo kung sino ang sa nanalo, ang meron ba o ang wala? Kung hindi, malamang
makatatanggap ka ng reklamo mula sa mga may-ari ng manok. Kailangan pa tuloy
rebyuhin ng committee para malaman nila kung kinakailangan pang baguhin ang
iyong naging desisyon o hindi na. Kunsabagay, wala namang sentensyador na
perpekto. Pero kung sadyang nandaya ay ibang usapan na ito.
Bukod sa pagkakaroon ng
matalas na mata, importante rin na maging tapat ka sa iyong trabaho. Hindi
naman maikakaila na mayroong mga corrupt na sentensyador. Karaniwang
matatagpuan sila sa maliliit na sabungan. ‘Yun bang nakikipagsabuwatan sila sa
may-ari ng manok para ipanalo ang kanilang laban. Kung ikaw ay isang
sentensyador, please lang huwag na huwag kang mandadaya. Kung sakali mang may
lumapit sa iyo dahil gusting panaluin ang kanilang manok, tanggihan agad ito. Isumbong
mo sa management para ma-ban sa sabungan. Huwag ipagpapalit ang karangalan para
sa salapi na ibabayad nilaa iyo. Kung ang kapalit naman nito ay pagkatanggal sa
trabaho at pagkasira ng reputasyon.
Ang trabaho rin ng
sentensyador ay lubhang napakadelikado. Mayroon kasing posibilidad na matamaan
ng tari. Kaya’t kinakailangan lang na maging maingat habang ginagampanan ang
trabaho. Pero ang iba, naglalagay sila ng protection gear sa kanilang pulso.
Mahirap na at baka matamaan pa ng tari. Siyempre, mayroon din namang walang
suot na proteksyon. Sanayan na lang siguro. Nag-iingat na lang sila nang husto.
Pero minsan kahit ano’ng ingat ay ‘di pa rin maiiwasan ang disgrasya. Gaya nang
nangyari sa isang sentensyador na bigla na lang pinalo ng tari ng manok. Ipinagpapalagay
ng marami na kaya siya pinalo ay dahil nakasuot siya ng jogging pants na kulay
pula. ‘Di ba’t karamihan ng mga manok na inilalaban ay kulay pula?
Kapag ikaw ay isang
sentenayador, kinakailangan na pagandahin mo ang iyong reputasyon. Kapag ginawa
mo ito, tiyak na marami ang kukuha sa iyong serbisyo. Magkano nga pala ang maaaring
kitain sa ganitong uri ng trabaho? Depende na lang ito sa financial capacity ng
isang sabungan. Ayon sa isang sentensyador na aming nakausap, ang kanyang mga
kliyente ay nagbabayad sa kanya mula limang libo pataas kada laban. Proud siya
sa kanyang trabaho dahil napupunan niya ang lahat ng pangangailangan ng kanyang
pamilya. Nakabili pa siya ng sasakyan at napapag-aral niya ang kanyang mga anak
sa private school. Kaya’t maganda talagang trabaho ang pagiging sentensyador
kahit sabihin pang napakadelikado nito. Ngayon, sino ang may sabing walang
kinabukasan sa ganitong trabaho?
Kapag sentensyador ka ay
para ka ring superstar dahil nasa iyo ang sentro ng lahat ng mga sabungero sa
sabungan. Ikaw ba naman ang nasa gitna ng ruweda, eh. Bilang sentensyador,
makukuha mo ang respeto ng lahat ng magmamanok. Pero ang respeto ay hindi
kusang ibinibigay kundi pinagtatrabahuan ito nang husto, ‘ika nga. Kahit saan
namang career, basta pagbutihin mo lang ang ginagawa mo tiyak na magbubunga ito
nang maganda!
COMMENTS