Sinasabing noong araw ay napakasimple lang ng sabong sa Pilipinas. Ang iba ay naniniwala na ang mga Kastila ang nagdala nito. Pero ‘di ...
Sinasabing noong araw ay
napakasimple lang ng sabong sa Pilipinas. Ang iba ay naniniwala na ang mga
Kastila ang nagdala nito. Pero ‘di ito totoo dahil bago pa man sila dumating ay
nagsisilbi na itong libangan o pampalipas oras ng ating mga ninuno.
Sinuportahan na lang ang sabong ng mga Kastila yamang pamilyar na sila sa
ganitong isport. Sa ibang bansa kasi, kahit ang simbahan ay nag-i-sponsor ng
sabong para makalikom ng pondo na ginagamit nila sa kawanggawa. May posibilidad
na mga Malaysian o ‘di-kaya’y Indonesian ang nagdala ng sabong sa bansa natin.
Ayon sa kuwento ng matatandang
sabungero, noong panahon nila ay wala pang hybrid chicken. Bumibili lang sila ng
manok na nakalagay sa bayong sa may palengke. Ni hindi nga nila alam kung ano
ang bloodline nang binibili nilang manok. Ang nagsisilbi lang diumanong pakain sa manok ay mais, bigas at iba pa.
Wala pa kasing feeds company noong araw. Ang death mortality din ng mga manok
noon ay masyadong mataas dahil wala pang mga gamot na nadidebelop. Kung mayroon
man, kailangan pa itong angkatin sa ibang bansa. Ibig lang sabihin, kulang na
kulang ang kaalaman noon ng mga magmamanok pagdating sa medikasyon.
Wala pang gaanong sabungan noong
araw. Hindi gaya ngayon na kahit saan ka magpunta, kahit sa liblib na lugar ay
mayroong sabungan. Ang iba, nagsasagawa ng derby sa loob ng kanilang bakuran,
pero kinakailangang kumuha ng permit sa may munisipyo.
Nang nagsimula nang mag-import ang sabungerong
Pinoy sa ibang bansa partikular na sa ibang bansa, dito na nagsimulang
madebelop ang pagmamanok sa atin. May mga Amerikanong breeder pa nga raw na
sumali sa mga derby dito sa Pilipinas. Nang paalis na sila ay iniwan na lang
nila ang kanilang mga manok sa mga kaibigan nilang Pinoy. May mga tinuruan pa
ang mga Amerikanong breeder kung paano ang tamang pag-aalaga at pagbi-breed ng
manok. Siyempre, inadopt ng mga Pinoy ang mga aral na akma sa atin lalo na’t
iba ang klima sa Pilipinas.
Doon na rin naging pamilyar ang mga
sabungerong Pinoy sa iba’t ibang klase ng bloodline gaya ng Sweater, Kelso,
Hatch at iba pa. Hanggang ngayon maraming mga Amerikanong breeder ang tila
naging household name na (buhay man o patay) gaya nina Foster Kelso, Billy
Rubles, Johnnie Jumper, Mel Sims, Carol Nesmith at iba pa. Bakit hindi? Eh,
naipangalan sa kanila ang mga manok na kanilang pinalahi. Ang ginawa na lang ng
mga Pinoy, nagtimpla rin sila ng kani-kanilang bloodline gamit ang mga imported
na manok at isinunod din nila ang pangalan ng manok sa kanila o ‘di-kaya’y sa
kanilang farm.
Noon, konting pangalan lang ang
angat sa mundo ng sabong. ‘Yung mga bigtime lang, ‘ika nga. Siyempre, sila ang
may access sa imported na mga manok. Direkta pa silang kukuha ng manok sa
Amerika. Isa pa, limitado lang din ang kaalaman ng mga magmamanok noon. Hindi
gaya ngayon na ang impormasyon ay nagkalat kung saan-saan. Mapa-telebisyon,
dvd, magasin at internet.
Ibang-iba na talaga ang sabong
ngayon at palago ito nang palago sa pagdaan ng mga araw. Salamat sa mga taong
patuloy na sumusuporta sa natatanging isport na ito. Kung wala sila, marahil ay
‘di magiging ganito kasigla ang sabong sa Pilipinas. Siyempre, ang lahat ng
bumubuo sa industriya ng sabong ay may kontribusyon sa paglago nito.

COMMENTS