Hindi talaga biro ang maging sentensyador dahil delikado ang buhay mo. Hindi naman basta manok l...
Hindi talaga biro ang maging sentensyador dahil delikado ang
buhay mo. Hindi naman basta manok lang ang hinahawakan dahil may tari ito. Sa
kaunting pagkakamali lang ay tiyak na laslas ang hita o pulso mo. Na maaaring
mauwi sa pagkakaospital at ang pinakamasaklap ay sa punerarya pa ang bagsak.
Kaya ang ginagawa ng iba, naglalagay pa sila ng proteksyon sa kanilang pulso.
Pero kahit meron nito ay puwede pa ring madisgrasya kapag napalo ng manok sa
ibang parte ng katawan.
Dahil
nga sa delikado ang trabaho ng isang sentensyador, kinakailangan ng ibayong
pag-iingat. Sabi nga ng mga sentensyador na aming nakausap. Kinakailangan ng
presence of mind; hindi dapat tutulug-tulog. Siyempre, dapat ay maliksi ring
kumilos. Hindi lang pagkilos, dapat ay mabilis din ang mata. Dapat ay marunong
tumingin ng tukaan ng manok. Minsan kasi, may mga sentensyador na akala nila
tumuka ang manok, ‘yun pala hindi naman.
Ilang
video na nga ba ng sentensya sa sabong ang kumalat sa social media dahil sa
tingin ng mga sabungero ay ‘di patas ang hatol? Aba’y napakarami na! Reklamo
nila, hindi raw agad dinadampot ang manok. Napakabagal kumilos imbes na
makatuka pa ay nawalan na ng tsansa na manalo ang isang manok. Mayroon pa ngang
video kung saan ay makikita na parang inihampas
o inihagis ng sentensyador ang manok nang karyuhin nito ang manok. Kapag
ganito ang napapanood ng mga sabungero, ‘di maiiwasan na maghinala sila na
niluto ang laban dahil may pusta ang sentensyador sa manok na pinaboran daw. Kung
hindi naman ay mismong ang management ang may pusta.
Pero sa
bawat video na kuwestiyunable na lumalabas sa social media ay mayroon din
namang iba ang pananaw hinggil sa nangyari. Para sa kanila, tama lang naman ang
sentensya. Kahit sa tingin ng iba ay mukhang malasado. Baka naman iba lang daw
ang anggulo ng kuha ng camera kung kaya’t parang iba ang nakikita lalo na’t
kung kuha lang ito sa cellphone na mababa lang ang resolution. Siyempre, dito
na magtatalu-talo ang ilan kung ano nga ba ang tama o hindi. May mga
nangangantyaw pa sana pumasok sila bilang sentensyador para malaman nila kung
paano gawin ang trabaho. Hindi ‘yung panay ang kritisismo nila.
Nagkakaiba
man ng pananaw ang mga tumitingin sa resulta ng laban, nagkakasundo sila na
dapat kapag mabagal nang kumilos ang isang sentensyador dapat na itong
magretiro. Ipaubaya na lang sa mga bata-bata na medyo malakas pa. ‘Di naman
maaaring lahatin dahil meron ding mga beteranong sentensyador na kahit may edad
na ay maliliksi pa ring kumilos. Mahirap daw kasi ang babagal-bagal dahil
mahalaga ang bawat segundo kapag kinakaryo ang manok dahil dito nakasalalay ang
kahahantungan ng laban.
Kung sa
tingin na mayroon talagang dayaan na nangyari ay puwede namang dumulog sa
management para ma-review ang laban ng committee. Kapag napatunayan nilang may
mali sa desisyon ay maaari nilang baliktarin ang hatol pabor sa nagrereklamo. Baka
naman ‘di sinasadya ng sentenyador, honest mistake lang. Tao lang sila na
nagkakamali ‘ika nga.
Sa
kabilang banda, hindi naman mawawala ang dayaan sa sabong. Ang masaklap nga
lang kung mismong ang sabungan ang nandadaya. Maaaring umubra, pero hindi
laging ganun lalo na’t malakas ang pang-amoy o matalas ang paningin ng mga
sabungero. Kapag nagkaganun tiyak na ang sabungan din ang malulugi dahil uunti
o mababawasan na ang maglalaban sa kanilang sabungaan. Kaya’t kung mayroon mang
gumagawa ng ganito sana ay tigilan na dahil tiyak na babalik din ito sa kanila.
Laging
tandaan na ang trabaho ng isang sentensyador ay ang pagpapatupad ng patas at
malinis na laban. Walang puwang dito ang panlalamang.

COMMENTS