Larawan mula sa Fb account ni Art Lopez Kung pagmamanok ang pag-uusapan ay ‘...
![]() |
| Larawan mula sa Fb account ni Art Lopez |
Matatagpuan
ang farm ni Art sa Barangay Patag, Silay City, Negros Occidental. Itinayo niya
ito noong 1997. Nagsimula siyang mahilig sa manok noong 2nd year
high school pa lang siya. Mayroon na kasi silang manok sa bakuran ng kanilang
bahay. Bago maging ganap na breeder ay nagsali-sali muna siya sa mga laban sa
tupada. Itinuturing niya na malaki ang naging ambag nito sa kanya kung anuman
ang kanyang narating sa kasalukuyan.
Sa
ngayon, si Art ay isang fulltime breeder, pero bago ito ay naging seaman muna
siya. Kaya naman malapit sa kanyang puso ang mga marino. Marami siyang mga
kaibigan at kostumer na mga marino.
Ang
White Hatch ang nagsisilbing signature line ni Art sa kanyang manukan.
Kumbinasyon ito ng Claret at ng Doc Robinson Hatch. ‘Di madali bago makuha ang
kulay ng manok kagaya kay Art. Aabot kasi ng dalawa hanggang tatlong taon bago
maging puti ang Claret na hinaluan ng Hatch. Pagsapit ng dalawang taon, mayroon
pa ring lumalabas na pula. Ang kanyang White Hatch ay late maturing kaya’t ‘di
niya ito inilalaban kapag stag pa lamang. Mainam itong ilaban kapag magulang
na. Ang laro nito ay sugod nang sugod. Pero wala kang masasabi kung power at
speed ang pag-uusapan dahil mayroon ang manok na ito.
Inirirekomenda
ni Art na ang kanyang White Hatch ay maganda lang i-cross sa Hatch. Huwag itong
ipares sa White Kelso dahil magiging sinabalang ang kulay na kalalabasan nito. Maliban
sa White Hatch ay mayroon din siyang Sweater, Mel Sims Grey, Mel Sims Black,
Gilmore Hatch at iba pa.
Ang
kanya namang Gilomore Hatch ay ‘di sagasa o sugod lang nang sugod. Inaantay
nito ang kalaban bago pumasok o magpakawala ng palo. Maganda naman itong
i-crosss sa Kelso o sa Roundhead dahil lalong nagiging kalmante. Habang
tumatanda raw ang manok na ito ay lalong lumalakas.
Bukod
sa farm sa bundok ay mayroong breeding area si Art na may sukat na 450 square
meters na nakatayo sa loob ng subdivision. Sa obserbasyon niya kasi, extreme
ang klima sa bundok kaya’t nahihirapan siyang makapagpaitlog kapag breeding
season. Kaya’t naisipan niyang sa baba siya mag-breed. Siya raw ang unang
breeder sa Bacolod na gumawa ng ganito. Mayroon itong advantage dahil
nakukontrol niya ang environment. Kahit umulan ay walang problema dahil mayroon
namang bubong. Taun-taon ay nakakapagprodyus siya ng libong sisiw.
Gumagamit
din si Art ng battery cage na dati-rati ay ayaw niyang gamitin. Pero ngayong
gumagamit na siya ng ganito, masasabi niyang maganda ito dahil malinis ang
itlog. Hindi kasi sumasayad ang itlog sa lupa na nagiging sanhi para kapitan ng
mikrobyo ang itlog. Isa ito sa mga dahilan kung bakit nabubugok ang itlog. Isa
pa, dahil kanya-kanya ng cage ‘di na kailangang mag-agawan sa pagkain ng mga
inahin kaya’t siguradong magiging malusog ang mga ito. Kumbaga, ‘di sila
mai-stress .
Kapag
namimili si Art ng broodcock, tinitingnan niya ang station. Maaari raw kasing
mamana ng mga supling kung ano ang station kasama na rin ang characteristics ng
ama. Para sa kanya, kailangan balansyado ang katawan sa height ng broodcock.
Dapat din ay ‘di buhaghag ang buntot.
Pagdating
sa broodhen, dapat ay tama ang edad ng inahin bago isalang. Maganda kapag dalawang taon na ang broodhen.
Pero kapag umabot na ito ng limang taon ay liliit na ito o mawawalan ng vigor
dahil tumatanda na nga. Ayaw niya sa inahin na masyadong malaki ang katawan. Dapat ay balansyado ang
body height at body weight nito. Kapag sobrang laki raw kasi, malaki rin ang
ipuprodyus nito. Kapag ganito ay mahirap nang ibenta pa.
Katulad
ng ibang breeder, ipinapayo ni Art sa mga gustong pasukin ang pagmamanok na
magsimula sa tamang materyales, tamang lugar at tamang pagkain. Importante ang
mga ito dahil pareho lang naman ang gastos ng quality at ng ‘di quality na
manok. Huwag raw asahan na ang mura ay magbibigay ng maayos na manok.
Bagama’t
hinahangaan si Art sa larangan ng pagmamanok, marami rin siyang mga naging
pagkakamali. Pero naging inspirasyon niya ito para pagbutihin pa lalo ang
kanyang sistema sa breeding. Taun-taon diumano ay iniimprove niya ang kanyang
breeding. Kung ano ang nakita niyang mali na ginawa niyang noong nakaraang taon
ay ‘di na niya gagawin pa.
Kapag
nag-aalaga ng manok, ayon kay Art ilan sa mga dapat isaalang-alang ay ang kalidad
ng hangin. Kapag ‘di maganda ang hangin o mabaho ang paligid ay ‘di rin lalaki
nang maayos ang manok. Importante rin ang pagkakaroon ng malinis na tubig.
Siyempre, gaya nang nabanggit na importante talaga ang kalidad ng manok. ‘Di
rin puwedeng balewalain ang tamang pagbabakuna ng manok.
Para
masigurong malusog ang sisiw, laging inuobserbahan ni Art ang ipot nito. Sa
ipot pa lang kasi ay puwede nang malaman kung mayroon itong dinaramdam o wala.
Kapag napansing may kakaiba sa ipot, binibigyan agad ito ng gamot. Kapag wala
naman, vitamins lang ang kanyang ibinibigay.
Bilang
breeder na nagku-commercial, si Art ang tipo na ‘di lang puro kita ang iniisip.
Gusto niya ring makatulong sa maliliit na magmamanok. Katunayan, nagbibenta
siya ng sisiw sa World Gamefowl Expo dahil ‘di naman kaya ng mga ito na bumili
ng manok na mataas ang presyo.
Para
kay Art, importante ang sinasabing legacy kaysa pera. Kaya’t dapat lang na
ingatan ang iyong pangalan. Maaalala ka raw kasi ng mga susunod na henerasyon
dahil sa naging ambag mo sa industriya ng sabong. Kaya’t bukod sa pag-abot sa
masa ay bukas din siya na ibahagi ang kanyang nalalaman sa pagmamanok para
makatulong sa iba.

COMMENTS