Marami sa mga pulitiko sa atin ay mga sabungero rin. Hindi naman ito nakapagtataka dahil kahit...
Marami
sa mga pulitiko sa atin ay mga sabungero rin. Hindi naman ito nakapagtataka
dahil kahit sino naman ay puwedeng mahumaling sa isport na ito anuman ang
kanilang katayuan sa lipunan. Lahat kasi rito ay pantay-pantay lang, walang
mahirap at wala ring mayaman. Pero ano nga ba ang kaugnayan ng sabong sa
pulitika? Paano nagkalapit ang nasabing magkaibang larangan?
Kahit
saan ka yatang sabungan magpunta ay ‘di mawawala ang presensya ng mga pulitiko.
Mapa-barangay captain man ‘yan, konsehal, mayor, governor, congressman kahit pa
senador, lahat sila ay nilalasap ang sayang dulot ng sabong. Ang nagpapatakbo
pa nga sa ilang sabungan ay mga pulitiko. Nangyari ito matapos na ipaubaya ng
Philippine Gamefowl Commission sa lokal na pamahalaan ang pag-regulate sa mga
sabungan.
Ang
mga pulitiko ay iba’t iba ang background kung paano sila napasok sa sabong. Ang
ilan sa kanila tulad din ng iba, bata pa lang nang mamulat sila sa sabong dahil
mayroong sabungero sa kanilang pamilya. Mayroon din namang mga pulitiko na dati
ay hindi naman nagmamanok. Pero nang malaman nila ang importansya ng sabong sa
pulitika ay pinasok na rin nila ang pagsasabong. Meron din namang madalas
maimbitahan ng mga kaibigan sa sabungan kung kaya’t nahawa na rin sila. May mga
sumasakay lang at meron din naman na nagustuhan na talaga nila ang sabong dahil
nga sa isa itong magandang isport.
Ang
ilan ngang pulitiko, nagbi-breed sila ng manok para ipamigay sa mga sabungero
na kanilang nasasakupan. Mistula na rin itong pangangampanya para sa kanila
dahil ‘di na sila malilimutan ng taong nabigyan nila ng manok. Siyempre, paraan
na rin nila ito para makatulong sa mga kababayan nilang gustong mag-breed ,
pero wala namang pambili ng manok.
Ayon sa ilang pulitiko, ang sabong ay
malaki ang naitutulong sa kanilang karera sa pulitika. Dahil sa pagpunta-punta
nila sa sabungan ay nakikilala sila ng mga tao. Kaya’t pagsapit ng eleksyon ay
pamilyar na ang kanilang mukha’t pangalan sa maraming botante. Sino pa ba ang
magtutulungan kundi ang mga sabungero? Ang isa nang magandang halimabawa rito
ay si Cong. Patrick “Idol” Antonio ng AGBIAG Party List. Sa dami ng mga
tumakbong party list ay nanalo siya. Siyempre, sa dami ba ng mga sabungero na
bumoto sa kanya, eh. Banggitin pa natin ang mga lokal na kandidato na
sinuportahan din ng mga sabungero sa kani-kanilang bayan. Siguradong napakarami
n’yan.
Ilan
lang sa mga pulitikong sabungero ay sina Cong. JB Bernos ng Abra, dating bise
gobernador ng Bicol na si Harold Imperial, EGov. Eddie 'Bong' Plaza, dating gobernador ng Palawan at
ngayon ay GAB Chairman na si Baham Mitra at iba pa. Si Baham ay anak ng
namayapa at dating senador na si Ramon Mitra na minsang kumandidato sa
pagkapangulo ng Pilipinas. Kung nagkataon, nagkaroon sana tayo ng sabungerong
presidente. Katulad sa Amerika kung saan ilan sa mga naging presidente nila ay
mga sabungero nangunguna na rito si Abraham Lincoln. Ayon sa mga kuwento, noong
araw diumano ay nagdadaos sila ng sabong
sa White House. Kung nagkataong may naging presidente tayo na sabungero
baka nagkaroon din ng sabong sa Malacanang.
Kapag ang pulitiko diumano ay sabungero ay madali lang itong lapitan o
‘di-kaya’y kausapin. Pumunta ka lang kasi ng sabungan ay mahahanap mo na sila.
Kapag nilapitan mo sila ay hindi puwedeng hindi ka nila pansinin. Kilala kasi
ang mga sabungero bilang maginoo. Dahil
dito, mas madaling nailalapit ng isang sabungerong pulitiko ang kanyang sarili
sa mga tao kumpara sa pulitiko na nakakulong lang lagi sa loob ng opisina. Sa
sabungan na mismo naipaparating sa kanila ang ilang mga karaingan o problema
mula sa mga nasasakupan. Isa pa, ang sabungerong pulitiko ay mayroon ding isang
salita. Kung ano ang kanilang sinabi ay
tiyak na gagawin. Ganito rin kasi ang kaugaliang nakasanayan nila sa loob ng
sabungan.
Paano naman kaya kung parehong sabungero ang kandidato? Sino naman kaya
ang susuportahan ng mga kababayan nilang magmamanok? Nakadepende na lang siguro
kung sino ang mas napupusuan nila o ‘yung mas may malasakit para sa kanila.
Wala naman itong problema sa magkatunggaling kandidato. Dahil sa nagkikita
naman sa sabungan ay nakakapag-usap pa sila kaya’t walang tensyon na
namamagitan sa kanila. Kumbaga sa magkaribal sa babae ay ‘may the best man win
na lang’.
Kung
may bentahe ang pagiging sabungero ng isang pulitiko, siyempre meron din itong
disadvantage lalo na sa mga ‘di nakakaintindi sa sabong. Iniisip kasi ng iba na
ang sabong ay puro sugal lang. May mga nagdududa pa nga sa kanila na baka pera
na ng taumbayan ang kanilang ipinangsasabong. Kung magsusuri lang ang mga
kritiko ng sabong ay malalaman nilang mali ang ganitong klase ng pananaw.
Unang-una, kahit sino’ng sabungero ay magsasabi na hindi lang basta sugal ang
sabong. Kumbaga, sa pagkain ay nagsisilbi lang itong appetizer o pampagana.
Dahil ang totoong itinuturo ng pagsasabong ay ang pagiging maginoo at
pagkakaroon ng katapatan. Ito ang prinsipyong taglay ng mga sabungerong
pulitiko. Kaya’t malabong gamitin nila ang pera ng taumbayan para lang ipusta
nila. Kung masama ang sabong, sana ay hindi na nila ipinangangalandakan o
ipinagmamalaki pa ang kanilang pagiging sabungero.

COMMENTS