Mainit na pinag-uusapan ngayon ng mga sabungero sa social media kung bawal na nga ba ang mga g...
Mainit na pinag-uusapan ngayon ng mga sabungero sa
social media kung bawal na nga ba ang mga government employee sa loob ng
sabungan. Mayroon kasing mga larawan na kumalat kung saan ay ipinaskil ng mga
pulis ang karatula na bawal ang government employees sa loob ng sabungan. Ibinahagi
ang mga larawan ng Facebook user na si Jin Sinkara Xiu.
Nangyari
ang pagpapaskil ng karatula sa Tatang’s Coliseum at New Bongabon sa Nueva
Ecija. Naitanong tuloy ng mga sabungero kung pangkalahatan na ba ang ganitong
ordinansa o utos lang ito ng pamahalaang lokal ng Nueva Ecija?
Mayroon
ng ordinansa na katulad nito kung saan ay ipinagbabawal ang mga government
employee na magsugal sa loob ng casino. Ito ay alinsunod sa Memorandum Circular
No. 8 na inilabas ng Office of the
President noong 2001. Iniisip ng iba na may kinalaman ito rito gayung magkaiba
naman ang casino sa sabong.
Halimbawang
kung pangkalahatan daw ang pagbabawal ng government employee sa loob ng
sabungan, paano na diumano ang mga sabungerong pulitiko na sa tuwi-tuwina ay
parukyano na ng mga sabungan? Napakarami
pa naman nila kabilang na sina Cong. Patrick Antonio, Gov. Eddie ‘Bong’ Plaza
at iba pa. Mula sa mataas hanggang sa pinakamababang sangay ng gobyerno ay may
sabungerong pulitiko. Ilan pa nga sa kanila ang nagpapatakbo ng sabungan. Puwede
pa naman daw silang magsabong, ‘yung mga tao lang nila ang naka-front sa loob
ng sabungan. Mahilig pa namang magbitaw sa ruweda ang ilan sa kanila. Kaya’t siguradong mahirap
ito para sa kanila lalo na’t nakasanayan nila ito.
Ipinagpapalagay
ng iba, iniiwasan lang diumano ng gobyerno ang pagsusugal ng kanilang mga kawani.
Maaari kasing maging ugat pa ito ng kurapsyon. Ang perang ipinangpupusta pala
ay galing na sa pondo ng gobyerno at ‘di galing sa sarili nilang bulsa. Pero
kontra naman ang iba rito, nasa tao na rin mismo ang pagiging kurap at walang
kinalaman ang sabong dito. Lalo na’t ang sabong ay itinuturing na laro ng mga
maginoo.
Naniniwala
ang iba na wala namang masama kung magsabong man ang isang government employee
basta’t ‘di oras ng trabaho at naka-civilian ito. Siyempre, ang
pinakaimportante ay sariling pera ang ipinangtataya nila.
May
mga pulis din na nagsasabi na ngayon ay ‘di na rin sila basta nagpupunta sa
loob ng sabungan. Pinagbawalan daw kasi ng kanilang opisyal na huwag nang
tumambay sa sabungan. Dahil bilang pulis ay pangit diumano na makita na sila ay
nagsusugal. Ito ay base lang sa dalawang pulis na aming nakausap.
Ano
naman kaya ang opinyon dito ng mismong mga sabungerong pulitiko dahil sila ang
mas tatamaan ng ganitong ordinansa at ‘di ang mga ordinaryong mga kawani ng
gobyerno na mga sabungero rin?




COMMENTS