Ang bawat sabungero ay mayroong character o pagkakakilanlan. Ang iba, medyo pa-disente ang dating. Kagaya ni Dicky Lim na tinatawag na ...
Ang bawat sabungero ay
mayroong character o pagkakakilanlan. Ang iba, medyo pa-disente ang dating.
Kagaya ni Dicky Lim na tinatawag na Mr. Cool ng sabong. Pero mayroon din namang
ang dating ay astig o mala-bad boy, ‘yung tipo mala-gangster.
Kung may makita kang
mala-gangster ang porma sa sabungan ng Taytay at Angono at maging sa mga tupada
sa lalawigan ng Rizal, huwag agad matakot. Hindi ka naman kukursunadahin o
bibirahin, baka kasi si Mang Danny lang ‘to. ‘Di mo maintindihan kung nabuhay
sa katauhan niya si Totoy Golem o Asiong
Salonga na tinaguriang ‘Kilabot ng Tondo’.
Kung titingnan mo ang
kanyang porma, para siyang gangster na nabuhay noong dekada ‘50 o ’60. ‘Yung sombrero
n’ya naka-palos, tapos may nakapulupot pang tela sa kanyang leeg.
Nakapolo pa siya na nakabuhol sa ibaba. Nakayosi pa. ‘Di ba’t ang astig? Para rin siyang
pupunta sa riot dahil may armas pang nakasukbit sa kanyang likuran. Ang sabi ay
palakol daw ito. Naku, delikado palang matalo itong si Mang Danny at baka may
masibak, hehe. Pero walang dapat ipag-alala kung may palakol man siyang dala.
Ang trabaho niya kasi ay ay magtutroso o tagasibak ng kahoy na panggatong. Kung
may nangangailangan ng kanyang serbiyso ay pinapatawag lang siya.
Mahilig si Mang Danny
sa manok na off color, nang matiyempuhan nga ito ng kasabong natin na si Makuri
Makuru para makipag-duwelo este para kausapin ay dala-dala niya ang kanyang
manok na bulik para ilaban. Ang kanyang manok ay tinatawag na ‘siete pungos’ o ‘di
guwapo. Sadyang pinapangit pa nga. Siyempre, sa ulutan mahirap makahanap kapag
medyo maganda ang manok mo. Pero pangit mang tingnan ay huwag maliitin dahil
ibang klase rin ang laro ng kanyang panlaban. Ayon sa kanya, ang manok niya ay
mala-Sugar Ray Leonard na mabilis kumilos at malakas sumuntok. Tinatanya rin ng
manok niya ang kilos ng kalaban kaya ‘di basta-basta nauunahan.
Naibulong pa niya na ang ginagamit niyang
pang-kundisyon ng manok ay ang sumisikat na Supermedz . Kaya’t kahit umabot pa
ng basaan ang laban ay buhay na buhay o malakas pa rin ang kanyang manok.
Marahil may mga
magtatanong kung bakit naman ganito ang pormahan ni Mang Danny? Simple lang ang
kanyang isasagot, idol niya kasi si Asiong Salonga. Pero sa kabila ng pagiging
tigasin, mayroon itong puso na tumulong sa mahihirap na para ring si Robinhood.
Alam ni Mang Danny na ‘di lahat ay natutuwa sa kanyang porma, pero alam niya
rin na may mga napapasaya siya kapag nakikita siya. Ano namang masama kung
inapply niya sa sabong ang porma ni Asiong? Eh, pareho lang naman itong nalilinya sa
aksyon.
Kaya’t kung
makakahalubilo n’yo sa Mang Danny, huwag maiilang at isiping nagpapansin lang
siya. Kapag nakilala mo siya nang personal, sasabihin mo na bad boy lang ang
kanyang image, pero ang cool pala ng taong ito.
‘Yan si Asiong, si Mang
Danny pala, ibang klase talaga!
Panoorin ang video:

COMMENTS