Walang kagaya sa buong mundo ang Pilipinas kung saan ay ‘di mo mabibilang ang mga sabungerong nakarito rito. Ang sabong ay isa nang tra...
Walang kagaya sa buong
mundo ang Pilipinas kung saan ay ‘di mo mabibilang ang mga sabungerong nakarito
rito. Ang sabong ay isa nang tradisyon sa atin bago pa man dumating sa kapuluan
ang mga Kastila. Kahit saan ka pumunta ay makakakita ka ng manok-panabong.
Kahit ang pinakamahihirap na tao ay nag-aalaga ng manok. Ipinagmamalaki nila na
sila ay mga sabungero kahit kulang man sila sa salapi. Kapag naging sabungero
ka kasi ay mananatili kang sabungero anuman ang iyong katayuan sa buhay.
Bawat bayan sa Pilipinas
ay mayroong sabungan. Kaya’t kung ikaw ay isang sabungero ay mayroon kang
pupuntahan para mailabas ang iyong hilig. Sa Zamboanga City nga raw nasa sampu
ang sabungan doon. Ibig lang sabihin ay napakaraming sabungero sa naturang
lugar. Sa ibang sabungan, halos araw-araw sila kung magpasabong. Habang sa ilan
naman ay lingguhan lang o dalawa hanggang tatlong beses sa loob ng isang lingo.
Patunay lang lang na buhay na buhay ang sabong sa Pilipinas. Kapag ‘di
nakakapunta sa sabong ang amo, siyempre ipinapaubaya na nila ito sa kanilang
mga tauhan.
Kung mayroon mang tumpukan sa isang komunidad, makaririnig ka ng usapang
manok at makakakita ka ng mga nag-i-spar ng manok. Kapag nakarinig ka ng mga
nagsisigawan, malamang tupada na ‘yan!
Sadyang malikhain ang
mga magmamanok na Pinoy. Kasi, kahit walang sapat na espasyo ay gumagawa ng
paraan para lang makapagmanok. May makikita ka na mga naglalagay pa ng manok sa
kanilang bubungan. Sa ilang maliliit na tindahan, malalaman mo na sabungero ang
may-ari kung may nakataling manok sa kanilang harapan. Naniniwala kasi sila na
suwerte ito, hindi lang sa kanilang tindahan kundi pati na rin kapag sila ay
naglaban.
Para sa ilang mga
sabungero, ang sabong ay hindi lamang basta sugal. Itinuturing nila ito na
lehitimong isport na totoo naman. Puwede na nga itong tawaging pambansang laro
kung paramihan lang ng bilang ng mga taga-tangkilik. Marami sa mga nagmamanok
ay talagang seryoso sa kanilang pagbi-breed. Marami kasing malalaking pasabong
na maaaring salihan. Kabilang na riyan ang BAKBAKAN, Digmaan, Bullang-Bullang,
World Slasher Cup at marami pang iba. Maraming mga dayuhan ang bumibisita sa Pilipinas
para lang makasali o makapanood ng malalaking derbies. Para sa kanila ang
Pilipinas ay isang paraiso para sa mga mahihilig sa manok. Puwede na ngang
gamitin ang sabong para sa turismo dahil maraming mga dayuhan ang nagkakainteres
dito.
Kahit ang mga backyard
breeder ngayon ay ‘di na basta-basta. Maalam na rin kasi sila sa pagmamanok
dahil marami na silang nakukuhang impormasyon kung saan-saan. Nakakasali na rin
sila sa malalaking derbies basta ba may mag-finance o mag-sponsor lang sa
kanila.
Ang mga
Pilipinong sabungero rin ay kilala sa pagiging maginoo. Kapag natatalo kasi
sila sa laban ay napakadali lang sa kanila itong tanggapin. Kapag nangako rin
sila ay tutuparin nila ito. Sa kabilang banda, ‘di rin maitatanggi na mayroong
mga grupo na kumakalaban sa sabong dahil para sa kanila ay kalupitan ito sa
hayop. Ang mga animal rights activist na ito ay gusto nilang mapatigil ang sabong
sa atin gaya nang ginawa nila sa Amerika. Hindi naman siguro ito hahayaang mangyari ng
mga mambabatas lalo na’t marami sa kanila ang nagsasabong.
Kapag susuportahan nila
ang batas na magbabawal sa sabong, siguradong maaapektuhan ang kanilang career
sa pulitika. Bakit hindi? Eh, napakaraming mga ama ng tahanan ang nagmamanok.
Sabihin lang nila sa kanilang kapamilya na huwag iboto si ganyan o si ganito tiyak
na susundin ito nang sinabihan. Kaya’t
malabong mangyari na maipatigil ang sabong sa Pilipinas. Pero huwag pa ring
pakampante. Bilang isang sabungero, dapat ay maging mapagmatyag at laging
alerto laban sa mga kumukundena sa sabong. Para saan pa at tinagurian tayong
sentro ng sabong sa buong mundo kung masisira lang nila ang isport na nagmula
pa sa ating mga ninuno.

COMMENTS