Ang kumpetisyon sa sabong sa panahong ito ay sadyang napakahirap kumpara noong mga nakaraang dekada kung saan ay iilang mga pangalan la...
Ang kumpetisyon sa
sabong sa panahong ito ay sadyang napakahirap kumpara noong mga nakaraang
dekada kung saan ay iilang mga pangalan lang ang nangingibabaw. Nangyari ito dahil iilan lang ang may kaalaman sa pagpapalahi ng
manok. Sila 'yung mayayaman at mga sikat na breeders, kayang-kaya kasi nilang
bumili ng imported na manok. Masikreto rin sila sa impormasyon; baka nga naman
kapag ipinagkalat nila ay makasira ito sa kanilang diskarte. Pero ngayon, wala nang sikre-sikreto
pa dahil lahat ng impormasyon hinggil sa pagmamanok ay nagkalat na kung
saan-saan, mapa-telebisyon, magasin, seminars at siyempre sa internet!
Ngayon, kahit mga
ordinaryong sabungero ay mayroon ng imported na manok. Ilan din sa atin ang
nakapag-debelop na ng sariling linyada na gumagawa naman ng magandang record sa
mga laban na kanilang sinasalihan.
Malungkot sabihin na
walang garantisadong pormula kung paano ang manalo sa derby. Dahil kung meron man, wala sanang sabungero na kahit isang beses ay 'di pa natatalo. Kapag nagkaganun, wala na sa kanilang gustong lumaban pa. Kahit nga mga
kinikilalala nang champion ay natatalo pa rin sa derby. Minsan nga, natatakbuhan
pa sila ng kanilang manok. Pero ‘di naman ito dahilan para tumigil na sila sa
kanilang pagmamanok o sa pagsali sa mga laban. Nais nilang patunayan na
superior pa rin ang kanilang mga manok. Siyempre pa, para mapanatili ang
maganda nilang reputasyon sa industriya ng sabong. Hangad din nila na makakuha
na naman ng magandang record.
Para manalo sa derby,
patuloy lang na maniwala sa iyong kakayahan. Laging isa-isip na kung kaya ng
ibang magmamanok, kaya mo rin. Ipagpatuloy lang ang sistema na inaakala mong
nakatutulong para mapagbuti ang pagpapalahi at pagkukundisyon ng manok. Ang
tamang pagsasanay ng manok bago ito dalhin sa sabungan ay napakahalaga kaya’t
kailangan talaga itong pagtrabahuan. Siguraduhin din na laging malusog ang
manok. Pagdating nang araw ng laban, tiyakin na nasa tamang posisyon ang tari.
Magkamali lang kasi ng konti ay maaari nang matalo. Kapag sinunod mo ang mga
ito, ‘di naman ibig sabihin na mananalo ka na kundi mayroon kang tsansa na
manalo. Hindi mo rin kasi masasabi kung ano’ng klaseng paghahanda na ginawa ng
iyong kalaban.
Sa huli, tandaan na ang
sabong ay isa pa ring sugal o game of chance. Maaari kang manalo o matalo. Pero
at least sa sabong mas madaling manalo kaysa tataya ka sa Lotto na napakaraming kumbinasyon ng numero ang kinakailangan bago tumama. Eh, sa sabong dalawang
manok lang naman ang naglalaban. Maliban na lang kung karambola ito. Okay lang
ang matalo. Alam mo naman sa sarili mo na ginawa mo ang tama. Wala kang dapat
ipag-alala dahil lagi namang may puwang para sa pagbabago sa sabong. Malay mo
sa susunod mong laban ikaw naman ang maging kampeon. Tandaan na ang tunay na
potensyal na maging kampeon ay ‘yung mga ‘di marunong sumuko.

COMMENTS