Dati nang hiniling ng Liga ng Eksplosibong Pagbabago, Inc. (LEPI) sa Supreme Court na ipatigil n...
Dati nang hiniling ng Liga ng Eksplosibong Pagbabago, Inc. (LEPI) sa Supreme Court na
ipatigil na ng gobyerno ang online cockfighting betting dahil nalulugi diumano
ang gobyerno ng 350 million pesos. Pero ang tinutukoy lang nila na online sabong
ay ‘yung nasa offtrack betting stations na para sa karera lang ng kabayo na
ginagamit na rin sa sabong. Mas tinatangkilik daw kasi ng mga mananaya ang
sabong kaysa karera ng kabayo.
Pero
kung ang pag-uusapan ay pangkalahatan na; papayag ka ba kasabong na ipatigil na
ng gobyerno ang online sabong? Para kasing kabute na nagsulputan ang mga ito.
Napakarami ng mga sabungan ang mayroong live streaming. Hindi lang naman para
makapanood ang mga OFW ang layunin ng mga nagpapatakbo nito kundi para pagkakitaan
din ang mga ito. Kaya naman biglang naglitawan ang mga nagpapatakbo ng onlie
sabong, legal man o illegal. Ilang beses na ba tayong nakabalita na may niraid
ang kapulisan na sabungan dahil wala silang permit para mag-live streaming.
May
mga nagsasabi na isang biyaya ang pagkakaroon ng online sabong dahil kahit nasa
ibang bansa sila ay nakakapanood sila ng laban. Dahil dito ay nababawasan ang
kanilang pagka-homesick o pangungulila sa sabong. Alam naman natin na karamihan
sa mga bansa sa buong mundo ay ipinagbabawal ang sabong dahil para sa kanila
isa itong kalupitan sa hayop.
Sa
kabilang banda, marami ring mga maybahay ang nagrereklamo na nagugumon ang
kanilang mga mister sa online sabong. Ang perang para sa pamilya sana ay
napupunta pa sa sugal. Pero kung iisipin, mapa-virtual man o kapag nasa mismong
sabungan ay may mga kaso naman talaga na ganito. Nasa tao na rin naman kung
itutodo niya ang pagpusta. Alam naman niya na siya rin ang masisilat kung
saka-sakali. Ang disiplinadong sabungero ay marunong magpigil sa sarili. Hindi
maaaring idalihan na nakalilimot lang sa sarili o naglilibang lang nang husto
dahil siguradong maaapektuhan ang buhay-pamilya.
Kung
marami nang nagsipagsulputang online sabong, ibig sabihin ay marami na rin
itong nalikhang trabaho kung kaya’t nakatutulong ito sa kabuhayan ng mga bumubuo
rito. Hindi lamang silang proprietor at financier. Kundi pati na rin ang mga
CSR, camera man, webmaster, etc. Wala naman sigurong problema kung legal ang
negosyo. Magiging masama lang ito kung illegal ito dahil wala silang
binabayarang buwis sa gobyerno.
Ganun lang siguro, sumasabay din sa
teknolohiya ang sabong. Kaya’t naging hi-tech na rin ang sabong ngayon. Maaari
lang itong ipatigil ng gobyerno kung may malakas na panawagan mula sa publiko. Pero
kung wala naman, bakit nila ito pakikialaman?
Gaya
nga nang nasabi na mapa-online man ‘yan o hindi, hinay-hinay lang dahil lahat
ng sobra ay nakasasama!
COMMENTS