Hindi biro ang maging sentensyador dahil isa itong napakalaking responsibilidad. Sa kanila kasi nak...
Hindi biro ang maging sentensyador dahil isa itong
napakalaking responsibilidad. Sa kanila kasi nakaatang ang pagdidesisyon kung
nanalo ang manok o hindi. Bukod pa r’yan ay napakadelikado ng kanilang trabaho
dahil may tari ang manok na kanilang hinahawakan. Ilan na rin ang nadisgrasya
sa kanilang hanay. Bagama’t ganito ay ipinagpapatuloy pa rin nila ang kanilang
propesyon dahil isa na itong passion para sa kanila.
Isa
sa mga sikat na sentensyador sa bansa na lagi nating nakikita sa malalaking
derby ay si Rommel “Omeng” Angeles. Idolo niya at sinusundan ang yapak ng
beteranong sentensyador na si Berong Javellana. Minsan na naming nakapanayam si
Omeng sa Smart Araneta Coliseum nang isinasagawa ang World Slasher Cup.
Noong
bata pa lang si Omeng ay namulat na siya pagmamanok dahil ang kanyang tatay at
lolo ay nagmamanok. Bukod sa pagiging sabungero, ang kanyang tatay ay isa ring
sentensyador. Naengganyo siyang gayahin ang trabaho ng kanyang tatay dahil
nakikita niya na bidang-bida ito kapag nasa gitna ng ruweda. Ikaw ba naman ang
pinagtitinginan ng lahat ng tao sa sabungan.
Taong
1996 nang pasukin niya ang pagiging sentensyador at magbuhat noon ay ito na ang
kanyang naging propesyon. Noong una ay sa tupada muna siya nagsisentensya
hanggang sa makapagsentensya siya sa Pasig Square Garden noong 2002. Pagkatapos
nito ay naiimbitahan na siyang magsentensya sa pasabong ng mga asosasyon gaya
ng NGBA. Hanggang sa maging sentensyador siya sa Araneta Coliseum sa
pamamagitan ni Jun Santiago.
Bilang
isang sentensyador, kung saan-saang lugar nakararating si Omeng. ‘Di na
mabilang ang mga sabungan na kanyang napuntahan. Ano ba ang sikreto ni Omeng at
bakit tumagal siya sa ganitong trabaho? Ayon sa kanya ay patas kasi siyang
humatol. Hindi siya marunong manlamang kaya naman nakuha niya ang tiwala ng mga
promoter. Sinisiguro niya na nagagawa niya nang maayos ang kanyang trabaho para
walang masabi ang mga nag-iimbita sa kanya.
Ayon
kay Omeng, kapag sentensyador ka, siyempre dapat marunong kang tumingin nang
paluan ng manok. Importante rin na kapag basaan ay makita mo talaga kung aling
manok ang huling tumuka. Pero minsan daw ay ‘di rin naiiwasan na magkamali ang
sentensyador dahil nagkamali ng tingin. Akala nila tumuka, pero ‘di naman pala
tumuka.Kung inaakalang may pagkakamali sa hatol ay maaari namang dumulog sa committee para
mareview ang laban.
Bibilib
ka kay Omeng dahil siya ang tipo ng sentensyador na ‘di na naglalagay ng
proteksyon sa pulso. Nag-iingat naman daw siya nang husto kaya’t ‘di na niya
kailangan pang maglagay ng ganito.
Kung
tatanungin ang rate ng isang sentensyador, sinabi ni Omeng na nakadepende ang
bayad kung maliit ba o malaki ang sabungan. Maaari silang kumita ng limang libo
sa isang gabi. Kapag kalakasan o peak season, sa loob ng isang buwan ay nag-iikot
sila sa probinsya. Nakaka-sampu hanggang labinlimang gabi siyang
nakakapagsentensya. Minsan nga, sa dami nang imbitasyon sa kanya ay
natatanggihan na niya ang iba.
Ang
masasabi naman ni Omeng sa mga kapwa niya senstensyador ay maging patas lang
sila. Huwag hahaluan nang sugal ang trabaho dahil dito nag-uumpisa ang
problema. Mas nakatuon kasi ang isip nila sa sugal kaysa sa trabaho. Bukod pa
r’yan ay baka maisipan pang dayain ang hatol. Matatalino raw ang mga tao ngayon
kaya’t ‘di rin basta-basta maloloko.
Dahil
sa trabaho ni Omeng ay naging maganda ang buhay ng kanyang pamilya. Dahil sa pagsisentensya
ay nakapagpundar siya ng bahay, nakabili ng sasakyan at napapag-aral pa niya
ang kanyang mga anak sa private school. Kaya’t masaya talaga si Omeng sa
propesyon na kanyang pinasok.
‘Yan
si Omeng, patas at magaling na sentensyador!

COMMENTS