Anumang negosyo na nais pasukin ay kinakailangan nang masusing pag-aaral. Dapat ay ...
Anumang
negosyo na nais pasukin ay kinakailangan nang masusing pag-aaral. Dapat ay may
business plan ‘ika nga. Puwedeng magtanung-tanong sa mga kakilala na nauna nang
pumasok sa negosyong nais gawin. Kung hindi naman ay maaaring mag-research.
Marahil ay naisip mo na rin na isa sa mga negosyong magandang pasukin ay ang
poultry supply. Sa dami ba naman ng mga magmamanok sa bansa natin, ewan ko na
lang kung wala sa iyong bibili niyan.
Unang
dapat tandaan ay kung hilig mo ba talaga ito? Kung oo ang sagot mo, sige
ipagpatuloy mo lang. Mahirap kasi na papasok ka sa isang negosyo na ‘di mo
naman hilig. Porke’t nabalitaan lang na maganda ang kitaan ay papasukin mo na
lang basta. Maaaring magtagumpay ka nga, pero paano mo naman mai-enjoy ang
isang bagay kung ‘di mo naman hilig.
Ipagpalagay na nating hilig mo, siyempre dapat ay mayroon kang sapat na puhunan o may perang pagugulungin habang wala pang kinikita. Ang napagbentahan ay huwag gagalawin kundi itabi mo lang muna. Kapag kumikita na ay dagdagan ang investment para mas malaki rin ang balik sa iyo.
Dapat
ding tandaan ang lokasyon, alamin ang lugar na matao. May mga negosyo kasing
nagsasara dahil ang napuwestuhan nila ay ‘di masyadong napapagkita ng mga tao.
Mas maganda kung sa palengke ka pupuwesto. Kung hindi naman ay sa pinakabuna ng
isang lugar na alam mong maraming nagmamanok. ‘Yun nga lang kung dito lang ay
sila-sila rin ang iyong magiging costumer. ‘Di gaya sa palengke na kung
saan-saan nanggagaling ang mga tao. Pero tingnan mo muna kung may poultry
supply nang nakatayo sa nais pagpuwestuhan dahil mahahati lang ang market.
Siyempre, doon ka na sa lugar na wala pang nakatayong poultry supply. Isa sa
pinaka-strategic na pagpuwestuhan ay sa sabungan na parating may palaban. Andun
na agad ang market mo. Kagaya ng isang poultry supply na nakita namin na
nakapuwesto sa may Blue Moutain Sports Arena sa may Antipolo, Rizal.
Isa
rin sa mahalagang dapat tandaan ay dapat may mga kakilala ka ng suppliers. Nang
sa gayun ay alam mo na kung kanino ka kukuha ng mga produkto na nais mong
ibenta. Kapag wala pang kakilala, malamang na mangangapa. Kaya’t habang maaga
pa, palawakin na ang iyong kuneksyon. Magtanung-tanong sa mga kaibigang
sabungero na may mga kaibigan nagtatrabaho sa isang kumpanya ng gamefowl
products. Mapa-feeds man ‘yan o gamot. Sila ang magiging susi mo para magkaroon
ng kakilala na taga-loob. Naghahanap din kasi ang mga ‘yan nang mapagbabagsakan
ng kanilang mga produkto.
Alamin
din kung anu-ano’ng mga produkto ang mabenta o mga fast moving products.
Siyempre, kabilang na riyan ay ang patuka, tali ng manok, cock box, etc. Mas
maganda kung magsasagawa ng survey sa mga kakilala kung aling produkto ang mas
pinagkakatiwalaan ng mga sabungero. Siyempre, bigyan din ng pagkakataon ang mga
produkto ng mga ‘di pa ganun kasikat na mga kumpanya para ma-testing din sila.
Puwede
ka ring magpa-promo sa iyong tindahan. Halimbawa, kapag bumili sila ng ganito o
ganyan ay may libre o may makukuha silang item. I-maximize nga lang ito at baka
wala nang tubuin. Puwede ka ring magpa-seminar at kuning sponsor ang mga
kumpanya nang itinitinda mong produkto. Sa pamamagitan nito ay lumilikha ka na
ingay para mapag-usapan ng mga tao.
Bukod
sa physical store, kung kaya pang i-manage o kaya pa ng oras ay mas maganda
kung magiging visible rin sa online partikular na sa Facebook. Lagi na kasing
nakababad ang mga tao ngayon sa social media kaya’t dapat mo rin itong
samantalahin. Puwede mo ritong ibenta ang mga produkto na medyo mataas na ang
presyo gaya ng incubator. May mga kakilala kaming indibiduwal na naging
successful sa pagbebenta online. Wala
namang mawawala kung iyong susubukan. Makadadagdag pa nga ito sa iyong kita.
‘Yan
lamang kasabong, sana kahit paano ay may napulot kang ideya sa pagtatayo ng
poultry supply.

COMMENTS