Ang sabong ay isa sa pinakasikat na laro na may halong sugal sa Pilipinas. Kahit saan ka kasi p...
Ang sabong ay isa sa pinakasikat na laro na may halong sugal sa Pilipinas. Kahit saan ka kasi pumunta ay mayroong mga nag-aalaga ng manok-panabong. Siyempre, inilalaban nila ito kung hindi sa tupada ay sa sabungan. Sa kasulukuyan, tinatayang nasa 2,500 ang sabungan sa Pilipinas. Mayroon din namang mga barangay na regular na nagdadaos kada araw ng Lingo bagama’t ipinagbabawal ito ng batas.
Hindi naman nakapagtataka kung bakit maraming nalululong sa pagsasabong. Isa kasi itong magandang dibersyon o pampalipas oras. Para sa iba naman, ginawa na nila itong hanapbuhay o pang-negosyo. Pero mayroon din namang mga mananabong na sa sugal nalulong. Pati ang pera na pambibili sana ng bigas ay isinusugal pa. Kagaya na lamang ni Romeo Laug na minsan nang naitampok nang Investigative Documentaries na programa ni Malou Mangahas na ipinapalabas sa GMA News TV. Kadalasan ay umaabot sa tatlong libong piso ang isinusugal ni Mang Romeo kapag siya ay nagtutupada. Isang beses din siyang pumunta sa sabungan sa loob ng isang linggo. Dahil sa pagsusugal ay naapektuhan ang kabuhayan ng kanilang pamilya.
Hindi rin naman natin masisisi ang mga tao na ang tingin sa sabong ay isa lamang uri ng sugal dahil maraming mga mananabong na naka-pokus lang sa sugal. Kapag ganito ang isang sabungero siguradong talo na siya. Bibihira lamang tao na maaaring gawing hanapbuhay ang pagsusugal o pagpusta-pusta. Kaya’t hindi inirirekomenda na magpakalulong sa sugal. Kaya nga’t ipinapayo ng iba na kapag pupusta ay hanggang minimum lang o ‘yung kaya lang ng bulsa. ‘Yun bang pera na sobra sa pangangailangan ng pamilya. Hindi ‘yung pambibili na lang ng pagkain ay isusugal pa. Kapag nagkaganito magkakagulo na sa loob ng pamilya dahil tiyak na gutom ang aabutin.
Sa mga nalululong sa pagsusugal, ‘di pa naman huli para magbago. Matuto lang na kontrolin ang sarili. Ang iba kasi sa kagustuhang makabawi ay naipupusta na ang lahat ng pera. Aba’y magtira rin para sa pamilya. Puwede ka pa rin namang magsabong nang ‘di nagpapakalulong sa sugal.
Panoorin ang video:
COMMENTS