Ang tingin ng iba sa isang sabungero ay sugarol at mararahas na tao. Totoo naman na mayroon ngang sugal sa sabong at isa itong madugong...
Ang tingin ng iba sa
isang sabungero ay sugarol at mararahas na tao. Totoo naman na mayroon ngang sugal sa
sabong at isa itong madugong sport. Hindi naman natin sila masisisi sa kanilang
opinyon tungkol sa atin. Pero oras na maunawaan nila sa kanilang mga sarili, maiisip
nila na mali sila ng kanilang akala. Imbes na magalit tayo sa kanila ay ipaliwanag natin nang maayos ang ating panig. Kung ayaw pa rin nilang makinig ay hayaan na lang natin sila. Total ang bawat isa naman ay may karapatan na
magpahayag ng opinyon.
Para maging
responsableng sabungero, dapat ay alam natin ang ating limitasyon. Gamitin lang
ang pera na sobra at ‘di ang budget na nakalaan para sa pamilya. Alam naman
natin na napakamahal ng libangan na ito. Kapag ‘di mo nakontrol ang iyong sarali,
darating ang araw na maghihirap ka. Marami na tayong narinig na mga sabungero
na naadik sa sugal. Dati silang mga may kaya sa buhay, pero simula nang maadik sa
sugal ay naghirap na sila. Naibenta na nila ang kanilang mga ari-arian at nabaon
pa sa utang. Huwag na sanang hintayin na mangyari pa ito sa iyo kaya’t laging
kukontrolin ang sarili.
Kung ‘di naman kaya na
mag-alaga ng maraming manok, makuntento na sa iilang
piraso. ‘Yung magkakasya lang sa budget ‘ika nga. Kapag pupusta naman ay
hanggang minimum lang. Kung ‘yun ngang ibang mga bigtime breeder na
itinuturing, ang ilan sa kanila ay minimum lang kung pumusta. Alam kasi nila ang
masamang epekto nang labis na pagsusugal. Kumbaga, nagsasabong sila ‘di para sa
salapi kundi para i-enjoy lang ang sport. Sana ay ganito ka rin, kasabong.
Tandaan na wala namang yumayaman sa pagsasabong. Kung mayroon man, ‘yun ay may
kinalaman sa negosyo sa manok at hindi dahil sa pagsusugal. Maaaring manalo ka
ngayon, bukas o sa makalawa. Pero ‘di naman Pasko araw-araw kaya hinay-hinay
lang sa pagtaya. At least kung minimum lang, matalo man ay ‘di ganun kalaki ang
nawala sa iyo.
Huwag ding ibuhos ang
buong atensyon sa mga manok lalo na’t kung mayroon kang pamilya na
nangangailangan din ng iyong atensyon. Kapag nawalan ka ng oras sa pamilya mo dahil sa manok, sigurado na magiging kontra sila sa ginagagawa mo. Kailangan
mo lang naman na balansehin ang iyong oras para sa pamilya at sa manok. Kapag
nagkaganun ay makukuha mo ang kanilang suporta. ‘Di nila iisipin na naglulustay
ka lang ng salapi sa mga manok. Bagkus magiging proud pa sila sa iyo lalo na't kapag nakapagbibigay ng karagdagang income ang iyong mga manok para sa pamilya.
Isa pa, para maging
responsableng sabungero, huwag mandadaya. Sabi nga nang yumaong TV host na si
Emoy Gorgonia, “Do everything except cheat”. Napakadali lang mandaya para
manalo, pero ‘di ka rin lubusang magiging masaya dahil alam mo sa sarili mo na ‘di
malinis ang iyong pagkakapanalo. Kapag ikaw ay isang cheater, isa ka ring
loser! Kung sakali mang isa ka sa gumagawa ng ganito, mabuting itigil na dahil
anumang oras ay puwede kang mahuli ng kalaban o ng management ng sabungan.
Laging tatandaan na ang sabong ay binubuo ng mga maginoo at tapat na tao. Ang
bulok na kamatis ay itinatapon nang sa gayun ay ‘yung mga sariwa lang ang
matira.
Para magtagal sa
sabong, makabubuting sundin ang mga munting paalala. Kung ganito ka na,
binabati kita dahil nasa tamang landas ka.
COMMENTS