May kanya-kanyag set up ang mga magmamanok pagdating sa pagtatayo ng farm. Mayroong bongga at mayroong sim...
May kanya-kanyag set up ang mga magmamanok pagdating sa pagtatayo ng farm. Mayroong bongga at mayroong simple lang. Depende na rin sa budget lalo na’t ‘di biro ang pagtatayo ng farm dahil lubha itong magastos. Lupa at mga manok pa lang, magkano na? Pero para sa bigtime breeder ay walang problema kung financial lang ang pag-uusapan.
Pagdating sa design, siyempre depende na rin ito sa kagustuhan ng may-ari kung ano ang gusto niyang palabasin. Nakadepende na rin ito kung saan ang lokasyon ng farm kung sa kabundukan ba o sa kapatagan. May mga farm na napakaraming puno para ‘di lang manok ang puwedeng pakinabangan kundi pati na rin ang mga puno ng prutas na itinanim nila.
May farm na kung titingnan mo ay parang resort dahil puwede ka nang magbakasyon sa ganda ng lugar o ng tanawin. Mayroon ding farm na nasa ibaba. Kitang-kita mo na ang ganda nang pagkakahilera ng mga teepee. Siyempre, mayroon ding mga farm na walang gaanong istraktura na nakatayo, pero ‘di mo rin matatawaran dahil napakaayos ng sistema nila sa pag-aalaga ng manok.
Marahil ay nakita na rin sa internet o narinig sa iba ang farm ng kasabong natin na si Eloterio E. Flores, gumagamit ng entry name na Inday Pia. Ang kanyang farm ay isinunod sa kanyang mismong pangalan. Marami ang humahanga sa kanyang farm. Naiiba ito dahil parang hagdan-hagdang palayan ang disenyo. Green na green din ang hitsura dahil sa mga damong nandito. Halimbawang ‘di ka sanay mag-akyat-panaog, siguradong hingal ang aabutin mo. Pero sanayan lang naman ‘yan ‘ika nga.
Walang teepee sa farm ni Elotorio dahil ang nagsisilbing pinaka-teepee niya ay ang binutasang semento sa hagdanan na tila ba maliit na tunnel. Pero mayroon namang kawayan sa taas na nagsisilbing hapunan ng manok. Sa pinakataas ng farm ay may mga bahay pa. O ‘di ba napaka-unique?
Ang farm ni Eloterio ay matatagpuan sa Guintubdan, Brgy. Ilijan, Bago City, Negros Occidental.
Panoorin ang video:
COMMENTS